Paggamot na Radiation Therapy
Ginagamitan ang radiation therapy ng sinag ng malakas na enerhiyang X-rays o iba pang particle para patayin ang mga selula ng kanser. Karaniwang bahagi ito ng paggamot sa kanser. Kung nagpasya ka o ang iyong provider na gamitan ng radiation, kakailanganin mo ng pagbisita para sa pagpaplano ng treatment (gamutan) na tinatawag na simulation.
Ang simulation ay sesyon ng pagpaplano na tutulong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan na makita at mapuntirya ang kanser sa iyong katawan. Ang proseso ay "simulation" o recreation ng mga eksaktong magiging posisyon mo para sa bawat treatment. Ginagawa ang radiation plan para maprotektahan ang malulusog mong tisyu hangga't posible para hindi madamay sa radiation. Gagamit ang radiation therapy team ng espesyal na aparato na tinatawag na simulator para planuhin ang iyong treatment. Posibleng kasama sa simulator ang X-ray machine, CT scanner, MRI scanner, o PET-CT scanner machine. Gagamitan ng liwanag ng laser para tulungan kang maipwesto sa tamang posisyon. Sa panahon ng pagbisitang ito:
-
Aalamin ng pangkat ang pinakamagandang posisyon ng iyong katawan. Madalas na nakahiga kang patihaya. Ngunit maaari ring nakadapa ka o nakatagilid pa nga.
-
Posibleng gumawa ng espesyal na device para panatilihin ka sa tamang posisyon at hindi gumagalaw sa panahon ng treatment. Maaaring kabilang sa mga ito ang mga mold, mask, cast, at block.
-
Maaaring lagyan ng marka ng tinta ang iyong balat. Ginagamit ang mga ito para tiyaking nasa gayun ka pa ring posisyon at maipapatama pa rin ang radiation sa posisyong iyon sa bawat treatment. (Ang bahaging ito ng iyong balat ay maaaring tawaging treatment field o port.) Maaari ring gamitin ang maliit na permanenteng tato. Maaaring tanggalin ang mga tato na ito sa kalaunan sa pamamagitan ng mga laser treatment.
-
Maaaring ilagay o ipasok sa iyong katawan ang mga pangmarka tulad ng mga metal na bola o wire. Kung minsan idinidikit ito sa balat mo gamit ang tape para makatulong sa imaging process. Ginagamit ito kasama ng X-rays para iposisyon ang iyong katawan. Tinatanggal ang mga pangmarka pagkatapos ng bawat pagbisita.
Pagkatapos makuha ng iyong pangkat ang mga imaging scan at iba pang data, lahat ng impormasyon ay ipapadala sa computer planning system. Pagkatapos ay gagawin na ng iyong healthcare team ang iyong treatment plan. Paplanuhin ng iyong pangkat kung saan eksaktong ipapatama ang radiation at kung anong kalapit na tisyu ang kailangang protektahan. Ang tunguhin ay makarating ang radiation sa tumor habang nililimitahan ang radiation sa kalapit na mga normal na tisyu.
Mga treatment mo
Kapag tapos na ang simulation at plano, sisimulan na sa iyo ang araw-araw na mga treatment. Kadalasan nang isang beses sa isang araw ang treatment, Lunes hanggang Biyernes, para sa 2 hanggang 8 linggo. Tumatagal ito ng wala pang 30 minuto. Para sa ilang kanser, ibinibigay ang radiation dalawang beses sa isang araw, na may mga 6 na oras na pagitan ng bawat treatment.
Maaaring kailanganin mong magsuot ng damit na pang-ospital. Ipupwesto ka ng radiation therapist sa tamang posisyon sa mesa para sa treatment. Pagkatapos ay lalabas sila ng silid. Kung minsan, ginagawa ang mga imaging scan bago ang bawat treatment. Maaaring kukuha ng digital X-rays o CT scan ang machine para tiyaking nakalinya ka nang tama.
Sa panahon ng treatment, huwag kang gagalaw hangga't makakaya mo at huminga ng normal. Makakarinig ka ng mga ingay na nagmumula sa aparato. Pwede kang makipag-usap sa radiation therapist. Babantayan ka nila mula sa control room. Pagkatapos ng treatment, tutulungan ka ng therapist na bumangon mula sa mesa. Pagkatapos makakapagbihis ka na at makakabalik sa iyong mga normal na gawain.
Pagkatapos ng treatment
Kapag nakumpleto na ang iyong radiation treatment, magkakaroon ka ng mga follow-up na appointment. Ang mga ito ay para tiyaking kontrolado na ang kanser at nagpapagaling ka na mula sa treatment. Sabihin sa iyong healthcare team ang anumang mga side effect mula sa treatment. Makakatulong sila sa iyo na mapamahalaan at mapigilan ang paglala nito.